NAPASLANG ang bise alkalde ng Ibajay, Aklan noong Biyernes ng isang incumbent councilor sa loob ng tanggapan ng Sangguniang Bayan sa munisipyo.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Vice Mayor Julio Estoloso, 50anyos.
Tinukoy naman ng suspek ay si konsehal Mihrel Senatin, 43 anyos.
Nangyari ang pamamaril sa loob ng tanggapan ng Sangguniang Bayan alas-9:15 ng umaga noong Biyernes.
Lumabas sa imbestigasyon na bago ang pagpatay, humingi ang konsehal sa isang kawani ng Sangguniang Bayan ng mga kopya ng lahat ng ordinansang ipinasa sa kanyang termino.
Nilapitan ng konsehal ang vice-mayor , “Vice, anong kasalanan ko sa iyo?”
Biglang bumunot ng baril si Senatin at pinaputukan si Estoloso sa dibdib.
Isinugod sa Ibajay District Hospital ang bise alkalde ngunit idineklara itong dead on arrival.Agad naman inaresto ng mga rumespondeng pulis ang konsehal.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaslang.
Sinabi ng mga awtoridad na walang kilalang awayan sa pagitan ng suspek at ng biktima, na kabilang sa parehong partidong pulitikal.
Nakakulong ngayon si Senatin sa Ibajay Custodial Facility na nahaharap sa kasong murder.
