
NAGPANUKALA si Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na magtayo ng malalaking water impounding facilities sa Bicol Region para labanan ang pagbaha at solusyunan ang kakulangan sa tubig tuwing tag-init.
Ayon kay Co, ang mga pasilidad na ito’y makakatulong sa patubig sa mga sakahan at makakatugon sa pangangailangan sa tubig ng mga residente. Inihalintulad niya ito sa six-storey water impounding structure sa Bonifacio Global City na sumasalo ng tubig-ulan. Layunin nitong gawing mas madalas na pagtatanim ng palay, na may target na umabot ng hanggang tatlong ani sa isang taon, tulad ng Japan.
Binanggit din ni Co ang pag-uusap sa DPWH para sa planong tunnel system sa kabundukan ng Bicol, na magsisilbing “flush system” para i-divert ang sobrang tubig baha papunta sa dagat.