NASA kritikal na kalagayan sa pagamutan ang isang lalaki matapos itong sunugin ng isa pang lalaki dahil umano sa selos sa Taguig City.
Ang biktima ay nakilala lamang sa pangalang James, 28 na kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Makati matapos magtamo ng third degree burns.
Isang babaeng kapitbahay na naglalaba ng damit malapit sa pinangyarihan ng krimen ay nadamay at nagtamo rin ng mga paso sa kanyang mga paa.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na si Greg, 42 anyos, isang machine operator.
Lumabas sa imbestigasyon na nangyari ang insidente noong Hunyo 20 habang nakaupo ang biktima sa labas ng kanilang tahanan.
Biglang dumating ang suspek at walang sabi-sabing binuhusan ng gasolina si James, at sinunog ito bago tumakas.
Mahaharap sa kasong frustrated murder at physical injuries ang suspek.
