PATAY ang isang 42-anyos na lalaki matapos salpukin ng isang Toyota Vios na umano’y nakikipagkarera sa isa pang sasakyan sa Gov. M. Cuenco Avenue, Barangay Banilad, Cebu City, madaling-araw nitong Biyernes, Setyembre 11.
Kinilala ang biktima na si Ralph Salise, residente ng Barangay Banilad, na tumatawid sa national highway sa pamamagitan ng pedestrian lane nang biglang salpukin ng humaharurot na Vios.
Isinugod sa ospital si Salise ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng malulubhang pinsala sa katawan at ulo.
Ayon sa pulisya, nakikipagkarera umano ang driver ng Vios sa driver ng isang Toyota Raize bago nangyari ang insidente.
Matapos mabangga ang biktima, huminto ang driver ng Vios malapit sa isang gasoline station. Maya-maya’y dumating din ang Raize at dito sumakay ang driver ng Vios kasama ang isang menor de edad na pasahero upang makatakas.
Tinangka ng driver ng isang Green Taxi na harangan ang kanilang daan, ngunit umano’y binangga ng driver ng Raize ang taxi bago tuluyang tumakas.
Kalaunan, bumalik sa lugar ang driver ng Raize ngunit agad itong itinuro ng mga saksi sa mga pulis at inaresto.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natukoy ng mga awtoridad na ibinaba umano ng driver ng Raize ang driver ng Vios malapit sa isang commercial establishment sa Barangay Basak, Mandaue City.
Dahil dito, nakilala na ng pulisya ang driver ng Vios na siyang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Salise.
Gayunman, nananatiling nakatakas ang driver at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Nasa detention cell ng Cebu City Police Office ang driver ng Raize habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Samantala, kakasuhan naman ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng Toyota Vios kaugnay ng pagkamatay ng pedestrian.
