MULING hindi natuloy ang arraignment ni Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng grave threats matapos pagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang mosyon ng kanyang mga abogado na ipagpaliban muna ang proceedings.
Personal na dumalo si Duterte sa Quezon City Justice Hall nitong Biyernes, Setyembre 11, para sa nakatakdang pagbasa ng sakdal, ngunit ipinagpaliban ito ng korte habang pinag-aaralan ang mosyon ng depensa.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ng bise presidente, hiniling nila ang postponement dahil sa ilang dahilan na hindi muna nila maaaring isapubliko dahil may sensitibong usaping sangkot.
“Hiningi namin na ipagpaliban muna yung kanyang arraignment dahil sa ilang mga dahilan. Ito ay pinagbigyan ng korte,” ani Lim.
Inatasan naman ng hukuman ang prosekusyon na magsumite ng komento o tugon sa mosyon ng depensa sa loob ng itinakdang panahon. Hindi pa sinabi kung kailan muling itatakda ang arraignment.
Kasabay ng mosyon sa RTC, naghain din ang kampo ni Duterte ng petisyon sa Supreme Court para sa temporary restraining order (TRO) na layong pansamantalang ihinto ang mga pagdinig kaugnay ng grave threats case.
Isa sa mga pangunahing argumento ng depensa ay ang umano’y immunity from suit ni Duterte bilang nakaupong opisyal habang sakop ng impeachment process.
Gayunman, iginiit ni Lim na patuloy na sumusunod sa batas ang bise presidente kahit kinukuwestiyon ng kanyang kampo ang hurisdiksiyon ng RTC.
Sinabi naman ni Duterte na gagamitin ng kanyang mga abogado ang lahat ng legal na remedyo na pinahihintulutan ng batas at susunod siya sa kanilang payo.
Nag-ugat ang tatlong kaso sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 tungkol sa umano’y pakikipag-ugnayan niya sa isang indibidwal upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Ang naturang mga pahayag ay kabilang din sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case laban sa bise presidente na kasalukuyang nililitis sa Senado.
Noong Setyembre 4, naglabas ng kautusan para sa pag-aresto kay Duterte kaugnay ng grave threats case. Kinabukasan, Setyembre 5, nakapagpiyansa siya ng P360,000.
Bago magpiyansa, nagpahayag din si Duterte ng kawalan ng tiwala sa mga korte, na naging mitsa ng panawagan mula kay Manila Rep. Joel Chua para sa posibleng disciplinary proceedings laban sa kanya, kabilang ang posibilidad ng disbarment.
Sa naturang usapin, sinabi ni Duterte na haharapin nila ang bawat reklamo sa oras na dumating ito.
Bukod sa criminal case, nakaharap din si Duterte sa impeachment trial sa Senado, kung saan kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, bribery at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.
