TINATAYANG aabot sa 10,000 runner ang lumahok sa isang fun run sa San Antonio, Zambales, nitong Linggo, Oktubre 11, bilang pagpapahayag ng suporta sa pagtatanggol at pangangalaga sa West Philippine Sea (WPS).
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng WPS, kabilang ang pagprotekta sa teritoryong pandagat ng bansa at sa yamang-dagat na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda.
Pinangunahan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos ang aktibidad at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa WPS.
Ayon kay Abalos, higit pa sa usapin ng teritoryo ang kahalagahan ng WPS dahil nakasalalay rin dito ang kinabukasan at dignidad ng mga Pilipino, gayundin ang kapakanan ng susunod na henerasyon.
“Hindi lamang ito tungkol sa mapa o teritoryo. Tungkol ito sa kinabukasan ng ating mga kababayan, sa ating dangal bilang mga Pilipino, at sa kinabukasan ng susunod na henerasyon,” ani Abalos.
Idinagdag niya na hindi lamang pagtakbo ang layunin ng programa kundi ang pagbibigay-pansin din sa mga suliraning kinakaharap ng mga komunidad sa baybayin.
Samantala, iginiit ni San Antonio Mayor Arvin Rolly Antipolo ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan hanggang sa antas ng barangay, at pribadong sektor upang maisulong ang layunin ng inisyatiba.
“Buhay at kinabukasan natin ito, ekonomiya natin ito, at bansa natin ito. Dapat nating maunawaan ang kahalagahan ng West Philippine Sea dahil pag-aari natin ito,” pahayag ni Antipolo.
Marami sa mga residente ng San Antonio ang umaasa sa yamang-dagat para sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.
Bilang bahagi ng pagtulong sa mga lokal na mangingisda, nakatakdang ipamahagi ang anim na bangka sa mga benepisyaryo sa bayan. Tatlo rito ang manggagaling kay Abalos, habang ang natitirang tatlo ay ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan.
Namahagi rin ng mga food pack sa ilang residente sa kasagsagan ng aktibidad.
Bukod dito, sinuri ng mga opisyal ang isang bahagi ng coastal road sa bayan na nasira.
Ang fun run ay bahagi ng Trilogy Run for the West Philippine Sea, na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng WPS. Isinagawa ang unang leg nito noong Agosto 30 sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, habang ang ikalawang leg ay idinaos sa San Antonio, Zambales, nitong Oktubre 11.
