BAGUIO CITY — Misteryosong kamatayan ang bumabalot sa isang 56-anyos na bank manager matapos matagpuang duguan at wala nang buhay sa loob ng nakaparadang sasakyan sa Kennon Road, Tuba, Benguet.
May tama ng bala sa ulo ang biktima nang madatnan ng mga rumespondeng pulis, Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga health worker sa pagitan ng Barangay Camp 3 at Barangay Twinpeaks.
Narekober sa lugar ang isang kalibre .22 na revolver na posibleng makatulong sa imbestigasyon. Idineklarang dead on arrival ang biktima dahil sa matinding pinsala sa utak na dulot ng tama ng bala.
Dinala ang mga labi nito sa isang punerarya sa Baguio City habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang tunay na nangyari.
Nagsimula ang pagkatuklas sa insidente nang magsumbong ang isang residente sa mga opisyal ng Barangay Twinpeaks tungkol sa isang sasakyang matagal nang nakatigil sa gilid ng kalsada.
Ipinasa ang impormasyon sa Barangay Camp 3 bago humingi ng tulong sa pulisya. Ayon sa mga awtoridad, karaniwang humihinto ang mga motorista sa lugar, ngunit hindi pangkaraniwan ang matagal na pagparada roon.
Sa salaysay naman ng asawa ng biktima, umalis ang kanyang mister nang mag-isa bandang alas-7 ng gabi noong Setyembre 28 upang bumiyahe patungong Maynila.
May dadaluhan sana itong seremonya ng paggawad ng parangal bandang alas-3 ng hapon kinabukasan, ngunit hindi na ito nakarating sa itinakdang lugar.
Nang hindi rin makontak ng mga kasamahan sa telepono ang bank manager, ipinaalam nila sa kanyang asawa ang pagkawala nito. Agad namang nag-ulat ang ginang sa Station 6 ng Baguio City Police Office.
Sa ngayon, kinakausap ng Tuba Municipal Police Station ang pamilya ng nasawi at sinisilip ang mga CCTV footage sa mga posibleng rutang dinaanan ng biktima upang matukoy ang mga pangyayari bago ito natagpuang patay.
