OPISYAL nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado ang 12 nanalong senador para sa 2025 national at local midterm elections.
Pinangunahan ni Comelec chairman George Garcia ang proclamation rites na ginanap sa The Manila Hotel Tent City.
Batay sa National Certificate of Canvass (NCOC), ang mga sumusunod na kandidato ay nakapasok sa “Magic 12”:
Bong Go – 27,121,073 boto
Bam Aquino – 20,971,899 boto
Ronald Dela Rosa – 20,773,946 boto
Erwin Tulfo – 17,118,881 boto
Francis Pangilinan – 15,343,229 votes
Rodante Marcoleta – 15,250,723 boto
Panfilo Lacson – 15,106,111 boto
Vicente Sotto III – 14,832,996 boto
Pia Cayetano – 14,573,430 boto
Camille Villar – 13,651,274 boto
Lito Lapid – 13,394,102 boto
Imee Marcos – 13,339,227 boto
Sa kanyang keynote remarks sa proclamation ceremony, binati ni Comelec chairman George Garcia ang mga bagong halal na senador at kinilala ang mandato na kanilang natanggap mula sa milyun-milyong Pilipinong botante.
Isa-isang tinawag sa entablado ang mga napiling senador para tanggapin ang kanilang mga sertipiko.
Ang reelectionist na si Senador Marcos ang unang naproklama. Kasama niya ang kanyang ina, si Imelda Romualdez-Marcos, at ang kanyang mga anak na sina Borgy at Michael Manotoc.
Sinabi ni Marcos na ang kanyang mga priority bill ay nakatuon sa seguridad sa pagkain, paglikha ng trabaho at tulong panlipunan.
Sumunod na iproklama ay sina Senator Lapid, Las Piñas City Rep. Camille Villar, at Senator Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na isusulong niya ang para sa pet bills at nakatuon sa kalusugan, edukasyon, enerhiya, at kababaihan at pamilya.
Ipinroklama rin na nagwagi sina dating senador Lacson at Sotto III.
Sinabi ni Lacson na napag-usapan na niya sa ilang incoming at incumbent na senador ang pagbuo ng isang “independent, credible and transparent” na Senado sa 20th Congress.
“Kung sino man ang masuportahan, ito lang ang lagi naming ipagdidiin, kailangan independent tayo, kailangan transparent at kailangan competent tayo,” sabi nito.
Ayon kay Sotto, prayoridad niya sa Senado ang magmungkahi ng mga panukalang batas na lalaban sa fake news at pagbibigay ng 14th-month pay.
Opisyal ding iproklama bilang mga senatorial winner sina SAGIP Party-list Rep. Marcoleta at dating senador Pangilinan.
Nasa United States si Pangilinan para sa graduation ng kanyang anak. Kumatawan sa kanya ang kanyang mga kapatid.
Nanawagan si ACT-CIS Party-list Rep. Tulfo para sa pagkakaisa sa Senado at hinimok ang mga kapwa mambabatas na isantabi ang mga pagkakaiba sa pulitika para sa higit na kabutihan.
Nagpasalamat si Senator Dela Rosa sa kanyang mga tagasuporta sa pagbibigay sa kanya ng isa pang anim na taong termino.
Ang dating senador na si Bam Aquino, na pumangalawa sa pangkalahatan, ay nagpahayag ng pasasalamat sa mga kabataan sa kanilang suporta at nangakong kampeon ang libreng edukasyon at pagpapabuti ng kalidad ng buhay para sa lahat ng mamamayan.
Para sa 20th Congress, magkakaroon ng apat na magkapatid na pares sa Senado. Sila ay sina Senators Jinggoy Estrada at JV Ejercito; Sina Senators Mark at Camille Villar; Senators Pia and Alan Peter Cayetano; at sina Senators Raffy at Erwin Tulfo.
Ang mga bagong halal na senador ay uupo sa pwesto sa Hunyo 30 at magsisilbi hanggang 2031.
