UMABOT sa 168 empleyado ang inaresto nitong Martes mula sa isang online lending company na umano’y nangha-harass sa mga nangungutang sa ikinasang raid na pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasig City.
Ang ni-raid ng mga operatiba ay isang online lending firm na may opisina sa 22nd floor ng Robinsons Equitable Tower sa Pasig City.
Ito rin itinuturing na operating hub ng Creditable Lending Corporation, ang kumpanya sa likod ng online lending application na Easy Peso.
Inilunsad ng magkasanib na pwersa ng PAOCC, NBI, PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), PNP-CIDG, National Privacy Commission (NPC), at Securities and Exchange Commission (SEC) sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng Regional Trial Court Branch 46 sa Maynila.
Nasamsam ang daan-daang computer at ilang mobile phone na inisyu ng kumpanya na sinasabing ginagamit para sa pangungulit sa pangongolekta ng utang, kasama ang daan-daang pre-registered SIM card, text blaster, at harassment script.
Bago ang operasyon, isang dating empleyado ang lumapit upang ilantad kung paano hinarass ng kumpanya ang mga nangungutang.
Ayon sa PAOCC, ang ilang mga biktima ay inutusang magpadala ng mga bayad sa mga personal na GCash o mga bank account sa ilalim ng pagkukunwari ng pag-clear ng kanilang mga pautang, para lamang makontak muli ng mga kolektor sa kabila ng pagbabayad.
Sinabi ng PAOCC na ang operasyon ay isinagawa ilang araw matapos kitilan ng isang lalaking borrower ang kanyang sariling buhay matapos dumanas ng harassment mula sa mga indibidwal na konektado sa Easy Peso.
Ang mga naarestong empleyado ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act, at Financial Products and Services Consumer Protection Act.
