LUMUTANG sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga kuwestiyonableng pangalan sa liquidation records ng kanyang confidential funds matapos sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 1,685 sa 2,669 pangalan sa payee lists ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang walang birth, marriage o death record sa kanilang database.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House impeachment team, nagpapakita umano ang findings ng PSA ng posibleng misuse o maling paggamit ng pondo ng bayan.
Ang pahayag ay ginawa matapos tumestigo si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande sa impeachment court tungkol sa isinagawang beripikasyon sa mga pangalan na nakalista sa acknowledgment receipts (ARs) para sa confidential fund expenditures.
Sa kabuuang 2,669 pangalan, 1,287 sa 1,992 pangalan mula sa OVP list at 398 sa 677 mula sa DepEd list ang walang anumang rekord sa PSA Civil Registry System.
Mas naging kontrobersiyal ang ilang pangalan nang muling beripikahin ng PSA ang mga may single match sa database.
Ayon kay Grande, 37 pangalan ang tumugma sa mga taong may opisyal na death certificate—32 mula sa OVP list at lima mula sa DepEd.
Samantala, 25 pangalan naman ang tumugma sa birth records ng mga menor de edad—20 mula sa OVP at lima mula sa DepEd.
Kabilang sa mga halimbawang binanggit sa pagdinig si Fortunato Salig, na may PSA death record na nagsasabing namatay noong June 29, 2011.
May death records din umano para sa mga pangalang Emilio Sagan at Rodolfo P. Traya, na namatay noong 2015 at 2021, ayon sa mga rekord na inilahad sa paglilitis.
Isa pang pangalan, Marlin Sunga, ang tumugma sa isang rekord ng taong namatay umano sa edad na dalawang buwan noong November 2, 1965.
Sa mga menor de edad naman, kabilang sa mga binanggit ang Beatrice Cuenca, na may birth record na January 7, 2022, at Mikay de los Reyes, na ipinanganak noong January 13, 2020.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Alonto Adiong kung paano umano nagamit ang naturang mga pangalan bilang dokumentasyon para sa confidential fund expenses.
“Paano ka kukuha ng isang impormasyon sa matagal nang patay?” tanong ng mambabatas.
Idinagdag niya: “Paano ka kukuha ng isang impormasyon sa isang bata?”
Ipinaliwanag naman ng prosecution legal spokesperson na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang “single match” ay nangangahulugan lamang na may isang tao sa PSA civil registry na may kaparehong pangalan ng nakalagay sa acknowledgment receipt.
Sinabi rin ni Tolosa na kung igigiit ng depensa na ang mga kakaibang pangalan ay mga alias, kailangan nitong magharap ng ebidensiya para suportahan ang naturang paliwanag.
Kabilang sa mga pangalang sinuri ng PSA na sinabing walang birth, marriage o death records ang Arthur Baon, Ralph Josh Bacon, Beverly Claire Pampano, Matthew N. Keso, Maxine Callos, Charles Sampalok Jr., Xiaome Ocho, Dan Rick Ocho, Tomas Panda, Timon Angelo Pusa at Tina Maching.
Kasama rin sa listahan si Mary Grace Piattos, isang pangalang naging sentro na rin ng House investigation sa confidential funds ni Duterte.
Binigyang-diin ng prosecution na hindi nito sinasabing mga alias ang mga naturang pangalan. Sa halip, sinabi ni Tolosa na ipinapalagay nilang tunay na mga tao ang nasa ARs dahil may mga pangalan at lagda ang mga dokumento.
Samantala, sinabi ni Grande na isa-isang hinanap ng PSA ang mga pangalan sa birth, marriage at death records at ikinategorya ang resulta bilang single match, multiple matches o no record.
Nanindigan din ang opisyal sa accuracy ng PSA verification at tabulation na iniharap sa impeachment court.
Ang mga finding ay bahagi ng Article I ng impeachment complaint laban kay Duterte, na nag-aakusa sa kanya ng umano’y misuse, misappropriation at irregular liquidation ng ₱612.5 milyon na confidential funds—₱500 milyon mula sa OVP noong 2022 at 2023 at ₱112.5 milyon mula sa DepEd noong 2023.
Gayunman, ang mga alegasyon at ebidensiyang iniharap ng prosecution ay patuloy pang sinusuri ng impeachment court, at hindi pa nangangahulugan ng pinal na paghatol laban sa Vice President.
