UMABOT sa 187 POGO (Philippine Offshore Gaming) workers ang na-deport pabalik sa China nitong Huwebes ng umaga, Disyembre 5, 2024,
Ang mga na-deport na workers ay mula sa iba’t ibang POGO hubs na sinalakay ng mga awtoridad sa Pasay, Cebu, Tarlac at Pampanga.
Sa kabuuang bilang na 122 ay mula sa 3D Analyzer sa Pasay, 57 mula sa Tourist Garden Hotel sa Lapu-Lapu City, Cebu; at 11 mula sa Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac, SmartWeb Technology sa Pasay at Clark, Pampanga.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na ang mga workers ay ipinatapon dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas at kawalan ng tamang mga dokumento upang matiyak ang kanilang patuloy na pananatili sa Pilipinas.
Nabatid na pagdating nila sa China, isasailalim sa imbestigasyon ang mga na-deport na POGO worker dahil sa posibleng pagkakasangkot sa online scamming activities.
May orihinal na 190 workers ng POGO na nakatakdang i-deport noong Huwebes ngunit tatlo ang ipinagpaliban ang deportasyon dahil sa nakabinbing dokumento.
Ang deportasyon ay kasunod ng nalalapit na deadline para sa POGO na ganap na itigil ang operasyon sa bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinaalalahanan ng PAOCC ang mga POGO workers na nasa bansa pa na boluntaryong umalis bago ang deadline sa Disyembre 31.
Sinabi ni Cruz na darating ang Enero, maglulunsad ang gobyerno ng mas pinaigting na operasyon laban sa mga ilegal na POGOS.
Samantala, nagpaaalam na ang mga asawa at partner ng ilang deportee sa kanilang mga mahal sa buhay sa labas ng PAOCC Detention Facility sa Pasay.
Sinabi rin ni Cruz na ang PAOCC ay nagpaabot ng tulong sa mga POGO babies na iniwan ng kanilang mga ama sa usapin ng pagkain, diaper at iba pang pangangailangan.
