NAG-IWAN ng 188 katao ang nasawi habang 135 naman ang nawawala dahil sa bagyong “Tino” sa Visayas at Mindanao base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes.
Karamihan sa mga namatay ay naitala sa Cebu kung saan 139 katao ang naiulat na namatay dahil kay “Tino.”
Sa tala ng NDRRMC ang mga namatay ay ang mga sumusunod: Cebu – 139, Antique – 1, Capiz – 3, Iloilo – 1, Guimaras – 1. Bohol – 1, Leyte – 1, Southern Leyte – 2, Negros Occidental – 24, Negros Oriental – 9, at Agusan del Sur – 6
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 135 indibidwal na nawawala kasunod ng bagyo.
May kabuuang 79 katao pa rin ang nawawala sa Cebu, kasunod ang 39 na nawawala sa Negros Occidental at 17 iba pa sa Negros Oriental.
May 96 katao rin ang nagtamo ng mga sugat habang hinahampas ni “Tino” ang Visayas at Mindanao.
Humigit-kumulang 2,411,000 katao ang naapektuhan ng “Tino,” at mahigit 397,000 katao pa rin ang naninirahan sa mga evacuation center.
May kabuuang 123 lugar ang naiulat na binaha habang humigit-kumulang 9,585 na bahay ang nasira, kabilang ang 81 pasilidad ng gobyerno, mga kalsada at tulay.
Ang pinsala sa agrikultura ay tinatayang aabot sa humigit-kumulang P10.615 milyon.
