PAMPANGA — Kalaboso ang limang indibidwal, kabilang ang dalawang aktibong pulis, matapos umano silang masangkot sa pangingikil sa isang aplikante ng Philippine National Police (PNP) kapalit ng pangakong pagpapasok sa serbisyo.
Naaresto ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya noong Setyembre 12, 2026, kasunod ng reklamo ng isang 29-anyos na PNP applicant na umano’y pinagbabayad ng malaking halaga para matulungan sa kanyang aplikasyon.
Unang kumilos ang mga tauhan ng CIDG Regional Field Unit 3, CIDG Pampanga Provincial Field Unit, CI-RID PRO 3, Regional Special Operations Group at San Fernando City Police Station sa isang entrapment operation sa harap ng isang shooting range store sa Barangay San Nicolas, City of San Fernando.
Tatlong sibilyan, na may edad 59, 55 at 62, ang naaresto matapos umanong tanggapin ng isa sa kanila ang marked money mula sa complainant.
Una umanong P250,000 ang hinihingi ng grupo, ngunit kalaunan ay ibinaba sa P150,000 ang halaga kapalit ng sinasabing tulong para maiproseso ang admission ng aplikante sa PNP.
Nakuha sa unang operasyon ang P1,000 genuine marked money at P50,000 boodle money, bukod sa mga cellphone, government-issued IDs, sling bag at isang Honda Mobilio.
Ayon sa PNP, nagsimula ang intelligence gathering at surveillance noong Setyembre 7 matapos i-report ng aplikante ang umano’y recruitment-extortion scheme.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natukoy umano ang posibleng koneksyon ng dalawang aktibong miyembro ng PNP sa grupo.
Isa rito ay isang Police Lieutenant na nagsisilbing Team Leader ng Basilan Provincial Cyber Response Team ng Anti-Cybercrime Group. Naaresto siya sa Quezon City kaugnay ng isinagawang follow-up operation.
Nasangkot din ang isang Patrolman na nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Zambales Police Provincial Office. Ayon sa mga imbestigador, nakatakda umano nitong tanggapin ang bahagi ng perang makokolekta mula sa transaksyon.
Matapos makuha ang impormasyon mula sa isa sa mga naarestong sibilyan hinggil sa planong pagkikita ng grupo at ng pulis, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nauwi sa pagkakaaresto sa Patrolman.
Narekober sa operasyon ang P1,000 genuine marked money, P9,000 boodle money at isang cellphone.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang indibidwal na sangkot sa umano’y recruitment-extortion scheme.
