HINDI na nakarating sa senior citizen payout ang isang matandang babae matapos itong matagpuang patay at duguan sa gilid ng kalsada sa Barangay Pawican, San Jose, Occidental Mindoro, Linggo ng umaga, Setyembre 13.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, walang nakasaksi sa insidente at hindi pa malinaw kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa biktima.
Sinabi ni Barangay Pawican Chairman Ed Hermoso na umalis ang biktima mula sa kanilang bahay upang magtungo sana sa Barangay Natandol para pumila at kunin ang kanyang cash payout bilang senior citizen.
Mag-isa lamang umanong bumiyahe o naglakad ang biktima nang mangyari ang krimen.
Natagpuan na lamang siya sa gilid ng kalsada na wala nang buhay at nagtamo ng mga sugat na nagdulot ng matinding pagdurugo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo, pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.
Umaasa ang pamilya ng biktima na mabilis na matutukoy at mapapanagot ang responsable sa karumal-dumal na pagpatay
