TATLONG sibilyan ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan, kabilang ang isang incumbent councilor, sa serye ng mga insidenteng karahasan na naitala kasabay ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Lunes.
Ayon kay PNP Public Information Chief Col. Allen Rae Co, hindi bababa sa pitong insidente ng karahasan ang iniulat sa iba’t ibang lugar habang isinasagawa ang halalan.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ang tatlong insidente ng pamamaril sa Basilan, Cotabato City at Maguindanao del Sur.
Isa sa mga naunang insidente ay naganap noong gabi ng Linggo, Setyembre 13, sa harapan ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua, Cotabato City.
Batay sa paunang impormasyon, nagsimula umano ang kaguluhan nang magkaroon ng pagtatalo sa pila ang magkabilang partido at kanilang mga tagasuporta bago nauwi sa pamamaril.
Kabilang sa mga nasugatan si Councilor Marouf “Pabo” Pasawiran. Patuloy namang tinutukoy ng pulisya ang mga nasa likod ng insidente.
Bukod sa pamamaril, nakapagtala rin ang PNP ng tatlong hinihinalang pagsabog sa Cotabato City at isang umano’y improvised explosive device (IED) na natagpuan sa Basilan.
May isa ring indibidwal na nasugatan sa isa pang insidente ng hinihinalang pagsabog sa Cotabato City.
Samantala, kritikal na dinala sa ospital ang lalaking sinasabing nasabugan ng IED sa Basilan. Ayon kay Co, siya rin umano ang nagdala ng pampasabog at itinuturing ngayon na suspek sa insidente.
Matapos gamutin, sinabi ng pulisya na nasa stable na kondisyon ang suspek at hinihintay na lamang ang pagkakataong maaari na siyang makausap para sa imbestigasyon.
Nilinaw naman ng PNP na patuloy pa ang validation sa iba pang insidenteng iniulat sa BARMM at hindi muna naglalabas ng karagdagang detalye hangga’t hindi nakukumpirma ang mga impormasyon.
Ayon kay Co, itinuturing muna ang mga ito bilang hinihinalang election-related incidents habang isinasagawa ang beripikasyon.
Batay naman sa paunang pagsusuri ng Comelec, posible umanong layunin ng ilan sa mga insidente na guluhin o mapatigil ang proseso ng halalan.
Gayunman, iginiit ng PNP na hindi nito hahayaang maantala ang electoral process at patuloy na ia-adjust ang deployment ng mga pulis depende sa sitwasyon.
Sa kabila ng mga insidente, sinabi ni Co na nananatiling “generally peaceful” ang halalan sa malaking bahagi ng BARMM.
Wala rin umanong naitalang kaso ng vote-buying ang PNP sa ngayon.
Samantala, kasunod ng mga ulat na nasa 800 guro ang umatras sa pagiging election personnel dahil sa pangamba sa seguridad, sinabi ng PNP na maaari itong magdagdag ng tauhan upang punan ang pangangailangan.
Nasa 1,784 PNP personnel umano ang nakahanda bilang Special Electoral Board members upang makatulong sa pagpapatuloy ng halalan nang maayos at ligtas sa BARMM.
