
NATIMBOG ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang dalawang lalaking nagbebenta ng Globe subscriber identity module (SIM) cards na GCash e-wallets accounts sa Pasig City.
Nakilala ng Eastern District Anti-Cybercrime Team (EDACT) sa magkahiwalay na operasyon ng mga suspek na sina Jomel Sichon at Mark Ray Veroy nitong Martes ng gabi sa Pasig City.
Naaresto ang dalawa dahil sa sumbong ng mga concerned citizens na nagbebenta ng ‘verified GCash accounts’ with Mastercards sa social media ang mga ito.
Matapos beripikahin ng mga operatiba ay dito na sila nakipagtransaksiyon sa mga suspek kung saan binili nila ang 10 verified GCash Accounts with Mastercard sa halagang PHP800 kada isa.
Isinagawa ang entrapment operation sa isang fast food chain sa Pasig Boulevard kung saan nasukol ng mga otoridad si Sichon na siyang itinuturong supplier ng sim card habang si Veroy naman ay naaresto sa followup operation .
Sa ngayon ang parehong suspek ay nakapiit na sa Pasig City detention cell kung saan kinakaharap ang kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.