DALAWANG KATAO ang namatay habang isa ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa loob ng pabrika ng baril sa Bgy. Fortune, Marikina City.
Ang mga biktima ay mga empleyado ng Armscor Global Defense Incorporated, isang pagawaan ng mga baril at bala.
Naputol ang kamay ng isa sa mga biktima, nagtamo ng sugat sa dibdib ang isa, habang ang pangatlo ay natamaan sa mata sa pagsabog.
Sinabi ni Marikina City police chief Col. Geoffrey Fernandez na binawian ng buhay ang dalawang biktima habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center.
Nasa maayos na kalagayan na ngayon ang ikatlong biktima na nagtamo ng mga sugat sa mata at tainga.
Lumabas sa imbestigasyon na biglang sumabog ang isang kahon na naglalaman ng primer na ikinasugat ng tatlong empleyado. Agad silang isinugod sa ospital.
Ang ikatlong biktima ay inilipat sa Marikina Valley Medical Center para sa karagdagang paggamot,
Sinabi ng opisyal na nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon hinggil sa pagsabog.
Matatandaang Pebrero noong nakaraang taon, naganap din ang pagsabog sa storage unit ng pabrika ng baril para sa mga pulbos ng baril na nauwi sa sunog.
Samantala, sinabi ng pagwaan ng baril na nakikipag-ugnayan na ito sa mga awtoridad.
