NAUWI sa trahedya ang simpleng panghuhuli ng gagamba matapos pagbabarilin at mapatay ang dalawang magkasama sa Barangay Domoit, Lucena City, nitong Lunes ng gabi.
Nasawi ang isang 15-anyos na binatilyo at ang kanyang 26-anyos na kasama matapos silang pagbabarilin habang kasama ang kanilang mga kaibigan sa Purok Jasmine dakong alas-10:30 ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng Lucena City Police, bigla umanong nilapitan ng isang lalaki ang grupo bago sila pagbabarilin gamit ang isang shotgun.
Ayon sa mga awtoridad, isang 38-anyos na farm manager ang itinurong suspek sa krimen.
Tinamaan ng bala ang dalawang biktima at kapwa hindi na nakaligtas, habang mabilis namang nagsitakbuhan ang apat nilang kasama nang magsimula ang pamamaril.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng shotgun, na isinailalim sa pagsusuri ng mga imbestigador.
Hindi nagtagal ay naaresto ng mga pulis ang suspek para harapin ang kaukulang imbestigasyon at posibleng kaso.
Inaalam pa ng pulisya ang tunay na motibo sa pamamaril at kung ano ang nagtulak sa suspek na atakihin ang grupo.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
