
PATAY ang dalawang pulis nitong Miyerkules ng gabi matapos tamaan ng kidlat sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kinilala ng Police Regional Office 4-B (PRO4-B) ang mga biktima na sina Pat. Laudelino Lomio, 31; at si Pat. Ruzzel Jay Fontarum, 28, kapwa miyembro ng Regional Mobile Force Battalion 4-B (RMFB4-B).
Agad dinala sa Mindoro Medical Center sa Calapan City ang mga biktima ngunit idineklara silang dead on arrival.
Lumalabas sa imbestigasyon na ipinaparada ng dalawang pulis ang kanilang mga motorsiklo sa gitna ng malakas na ulan sa parking area ng RMFB4-B headquarters sa Naujan nang tamaan ng sunud-sunod na kidlat bandang alas-10:30 ng gabi nitong Miyerkules.
Sinabi ng PRO4-B naman na ang buong tulong ay ipapaabot sa pamilya ng dalawang pulis.