NABABAHALA para sa mga Pinay Overseas Filipino Workers (OFWs) sa ulat ng ahensiya ng Pilipinas sa Cambodia na kung saan sangkot ang 20 pinay sa trafficking-in-persons ng surrogacy.
Ayon sa kinatawan ng OFW Partylist na si Rep.Marissa “Del Mar” Magsino , nakakalungkot aniyang malaman na ang 13 kababaihang ay nasa iba’t ibang yugto ng pagbubuntis. Ang ganitong gawain ay pagsasamantala sa mga kababaihang Pilipino upang makapagbigay ng mga sanggol para sa isang sindikato ng infant- trafficking na paglabag sa mga karapatang pantao at paglapastangan sa kababaihang Pilipino.
Sinabi pa ng mambabatas na ang mga pagsisikap sa pagsagip ng Cambodian National Police, kasama ang pakikipag-ugnayan sa gobyernong Pilipino, ay kapuri-puri, at kanyang pinahahalagahan ang patuloy na pagtulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima. Gayunpaman, ang sitwasyong ito ay nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa mas matibay na proteksyon laban sa human trafficking at commodification ng mga kababaihan.
Ayon panito na bilang Pangulo ng Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM) at Observer sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT),” Patuloy kaming makikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) upang pagbutihin ang Guidelines on the Referral System Involving Trafficking in Persons Cases. Dapat ding agresibong habulin at parusahan ang mga kasabwat sa Pilipinas”
Nanawagan din aniya siya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa teknikal na tulong laban sa cybercrimes, illegal recruitment at human trafficking na madalas isinasagawa online.
“Ang ating paninindigan laban sa human trafficking ay isang kritikal na aspeto ng ating adbokasiya sa OFW Party List na itaguyod ang kapakanan at ipaglaban ang karapatan ng ating mga OFW. At sa lumalawak na biktima nito, mas kailangan natin magtulungan upang tuluyang masupil ang krimen na bumibiktima sa ating mga kababayan at yumuyurak sa dignidad ng ating mga kababaihan” dagdag pa ni Magsino.