ARESTADO ang tatlong Chinese nationals na tumakas sa mga awtoridad noong ni-raid ang POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga .
Kabilang sa tatlong nadakip ay ang dalawang lalaki at isang babae – ay nadakip noong Biyernes sa loob ng Fontana Leisure Park sa Mabalacat City sa tulong ng mga ahente ng Bureau of Immigration, at Clark Development Corporation.
Ayon kay Dr. Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), bago ang pag-aresto ng tatlo, humingi ng tulong ang mga awtoridad ng Clark sa kanilang paghabol sa mga pinaghihinalaang POGO operators at managers na nagtatago sa villa ng Fontana.
Itinanggi naman ng mga naarestong suspek ang alegasyon na sila ay “managers” ng mga ni-raid na POGO hubs na nang is-scam sa Bamban at Porac.
Itinanggi rin ng tatlo na sila ay mga business associates ng pansamantalang suspendidong Mayor ng Bamban na si Alice Guo.
Gayunpaman, natuklasan na pumasok sila sa bansa nang ilegal kaya’t haharap sila sa deportation proceedings.
Ang mga naarestong suspek ay nakapiit ngayon sa PAOCC detention facility sa Pasay City.
Sinabi naman ni Casio na hanggang sa ngayon, sinusubukan nilang hanapin ang kanilang pangunahing target na si Huang Zhiang na itinalaga bilang isang POGO “Big Boss.”
Noong Huwebes ng gabi, sinuyod ng mga ahente ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang limang mga villa sa Fontana Leisure Resort and Casino sa Clark Freeport subalit hindi nila natagpuan ang kanilang dalawang target na sinasabing “key POGO operators.”
Isinagawa ang raid batay sa isang search warrant para sa paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2002, na binago ng RA 10364, na ibinigay ni Judge Hermenegildo Dumlao II ng Malolos City Regional Trial Court Branch 81 sa Bulacan.
