DAVAO CITY — Tatlong lalaki na kabilang sa engineering at maintenance team ng isang hotel ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng sewage treatment facility habang nagsasagawa ng maintenance work madaling araw ng Lunes.
Kabilang sa mga biktima ang isang engineer at dalawang maintenance crew, ayon sa Davao City Fire District.
Agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP), ngunit kinailangan munang magsuot ng self-contained breathing apparatus (SCBA) ang mga rescuer matapos matukoy ang mapanganib na lebel ng carbon monoxide sa pasilidad.
Ayon kay Fire Senior Inspector Frances Marie Sendrijas, tagapagsalita ng Davao City Fire District, wala nang buhay nang matagpuan ang tatlong biktima.
Gumamit din ang mga responder ng air quality monitoring device upang masukat ang konsentrasyon ng nakalalasong gas bago tuluyang isagawa ang retrieval operation.
Babala ng BFP, maaaring magdulot ng pagkalason, pagkawala ng malay at suffocation ang mataas na lebel ng carbon monoxide.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung paano na-trap ang tatlo at kung may paglabag o pagkukulang sa safety protocols ng hotel.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng Dusit Thani Davao sa mga pamilya ng mga biktima at nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad sa imbestigasyon.
