NAUWI sa madugong barilan ang suntukan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa kahabaan ng bypass road, Tarlac City, nitong Miyerkules ng gabi.
Isa ang patay habang dalawa ang sugatan matapos umanong magpaputok ang isang 36-anyos na lalaki na sinasabing isang pulis.
Ayon kay Police Lt. Col. Glen Santiago, hepe ng Tarlac City Police Office (TCPO), nagmula sa komprontasyon ng dalawang grupo na kapwa umano nag-iinuman sa bar ang insidente.
Ayon sa pulisya, nagpaputok ang suspek nang makita nitong kinukuyog ng kabilang grupo ang kanyang mga kasama.
Tatlo ang tinamaan ng bala at agad na isinugod sa ospital. Gayunman, binawian ng buhay ang isa sa mga biktima dahil sa malubhang tama ng bala.
Agad namang naaresto ang suspek ng kanyang mga kabaro. Narekober sa kanya ang isang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek at nahaharap sa mga kasong homicide at frustrated homicide.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye at ugat ng madugong komprontasyon.
