KALABOSO ang tatlong suspek matapos umanong pagnakawan at tangkaing kotongan ang isang South African national na nawalan ng mahahalagang dokumento at personal na gamit sa Sta. Ana, Manila.
Naaresto ang isang 28-anyos na babae at dalawang lalaki, edad 36 at 38, sa isang bahay sa A. Bonifacio Street, Barangay Hagdang Bato Libis, Mandaluyong City noong Setyembre 6, matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng pulisya.
Nagsimula ang insidente nang mawala mula sa bahay ng 45-anyos na South African port manager ang isang itim na laptop bag na naglalaman ng kanyang passport, Seaman’s Book, Alien Certificate of Registration (ACR) card, iPhone 8, iPad at iba pang mahahalagang gamit.
Sa imbestigasyon, nakuhanan ng CCTV ang isang babaeng kakilala ng biktima na umalis sa lugar at nakipagkita sa tatlong lalaki. Makalipas nito, sumakay umano ang mga ito sa isang puting taxi.
Lalong tumibay ang hinala ng mga awtoridad nang makatanggap ang biktima ng mga mensaheng humihingi ng P5,000 kapalit ng pagbabalik ng kanyang mga ninakaw na identification at travel documents.
Agad kumilos ang Intelligence and Follow-Up personnel ng Sta. Ana Police Station at Punta Police Community Precinct. Tumulong din sa operasyon ang Mandaluyong Police Sub-Station 7 at mga opisyal ng Barangay Hagdang Bato Libis.
Sa isinagawang hot pursuit, naaresto ang tatlong suspek sa isang residence sa A. Bonifacio Street.
Narekober sa operasyon ang South African passport, Seaman’s Book at mga dokumento mula sa Bureau of Immigration na pag-aari ng biktima. Gayunman, hindi pa nakikita ang ilan sa mga electronic device at iba pang gamit na nawawala.
Dinala ang mga suspek sa Manila Police District–General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) para sa karagdagang imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso.
