HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na makapasok sa bansa ang tatlong Malaysian nationals na nagpakilalang mga miyembro ng religious group na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang tatlong pasahero ay pinaalis at isinakay pabalik sa Malaysia noong Agosto 28.
Ang tatlo ay dumating sa NAIA Terminal 1 noong gabi ng Agosto 27 sakay ng isang Philippine Airlines flight mula Kuala Lumpur.
Kinilala sina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi, at Andrijosebaul Anak Garra, na nasa 20 taong gulang, ay dumating kasama ang isang grupo ng mga Pilipinong nagpakilalang miyembro ng KOJC na kalaunan ay “iniwan” sila matapos silang imbestigahan ng immigration.
Ayon kay Tansingco, pinabalik ang mga Malaysians matapos silang markahan bilang may kahina-hinalang layunin sa pagpunta sa bansa.
“Natuklasan ng ating mga immigration officers ang kanilang layuning makilahok sa mga anti-government demonstrations na isinasagawa ng mga miyembro ng KOJC na nagpoprotesta sa nagpapatuloy na manhunt kay Pastor Quiboloy,” ani ni Tansingco.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng mga BI supervisors na nakapanayam ang mga Malaysians na nagsabing pupunta sila sa Davao City sa imbitasyon ng KOJC.
Gayunpaman, hindi nila maipakita ang anumang katibayan ng kanilang kakayahang pinansyal para suportahan ang kanilang pananatili sa bansa at inamin nilang sila ay walang trabaho.
Isa sa mga pasahero, habang ini-interview, ay hindi sinasadyang ipinakita sa mga BI supervisors ang kanyang mobile phone na may Excel screenshot ng iba’t ibang anti-government slogans tulad ng “BBM Resign,” “Stop KOJC Injustices,” at “AFP/PNP Protect the People.”
Nang tanungin tungkol sa screenshot, sinabi ng pasahero na aksidente niyang na-download ang mga slogan mula sa kanyang Facebook/Messenger page.
Ang mga Malaysians ay inilagay sa immigration blacklist at pinagbawalan nang makapasok sa bansa.
