TATLO katao ang nalunod noong Linggo habang isa ang nawawala habang lumalangoy sa dalampasigan sa Casiguran, Aurora.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ng Aurora police ang mga nasawi na sina Agapita Lee; Nell Bvezz Yampan, 15; at Krishabelle Yampan, 13.
Si Sunshine Yampan, 9, ay nawawala pa rin.
Ang mga biktima ay pawang residente ng Toyong, La Trinidad, Benguet.
Sa imbestigasyon, napag-alaman ng pulisya ng Casiguran na lumalangoy ang mga biktima sa isang dalampasigan sa Sitio Casapsapan, Bgy. Culat, Casiguran nang bigla silang tangayin ng malalakas na alon.
Nirespondehan at sinagip ng mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga biktima.
Habang naisugod pa sa Casiguran District Hospital ang tatlong biktima ngunit idineklara silang dead on arrival.
Pinaghahanap naman pa rin ng search and rescue teams ng Philippine Coast Guard (PCG) at MDRRMO ang nawawalang 9-anyos na batang babae.
