APAT na kalalakihan ang sumalakay sa isang bahay kung saan itinali ang kanilang biktima hanggang sa nakatakas dala ang mahigit P300,000 halaga ng cash at gadgets sa Bgy. San Rafael, Tarlac City nitong Miyerkules.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen Jean Fajardo, kinilala ng Tarlac police ang biktima na si Jon Brent Guzman, 24, ng Sitio Home Site sa Bgy. San Rafael.
Ayon kay Guzman, apat na armadong lalaki ang pumasok sa kanyang silid at itinali ang kanyang mga kamay at paa gamit ang zip cable saka kinuha ang kanyang P395,000 cash, iba’t ibang alahas at isang cellular phone.
Sinabi ng biktima na nagawa niyang palayain ang sarili at ipinaalam sa pulisya ang tungkol sa pagnanakaw.
Sinusuri ng mga awtoridad ang kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip sa mga magnanakaw.
