APAT na Japanese nationals ang itinapon pabalik sa Japan ng Bureau of Immigration (BI) noong Martes, Setyembre 8, matapos mapatunayang overstaying at undocumented ang ilan, habang ang dalawa ay wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong pagnanakaw.
Kabilang sa ipina-deport sina Oi Riho, 28, at Moriyama Yu, 31, na kapwa idineklarang overstaying, undocumented at undesirable aliens dahil sa umano’y pagkakasangkot sa telecommunication fraud, online gaming fraud at isang kidnapping-related scheme.
Samantala, kasama rin sa isinakay pauwi sina Daisuke Ikeno, 51, at Hamai Daisuke, 53, na idineklarang undesirable aliens matapos matukoy na mga fugitive from justice at may mga umiiral na warrant of arrest sa Japan kaugnay ng umano’y pagnanakaw.
Sakay ng Japan Airlines flight patungong Narita, Japan ang apat at sinamahan ng mga tauhan ng Japan National Police Agency (JNPA).
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, paiigtingin pa ng ahensya ang operasyon laban sa mga dayuhang lumalabag sa batas at palalakasin ang pakikipagtulungan sa mga foreign law enforcement agencies.
Giit ni Viado, hindi dapat maging kanlungan ng mga pugante at dayuhang sangkot sa ilegal na aktibidad ang Pilipinas.
