INATASAN ng Sandiganbayan Third Division ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kunin ang kustodiya kay dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Gomez Romualdez na kasalukuyang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Inilabas ni Associate Justice Karl Miranda, chairperson ng Third Division, nitong Huwebes ang commitment order laban kay Romualdez kasunod ng pagdinig sa mga mosyon nito na humihiling na manatili muna sa ospital para sa kanyang gamutan.
Sa ilalim ng kautusan, ang BJMP na ang magiging pangunahing custodian ni Romualdez bilang detainee, kapalit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagbabantay sa kanya mula nang siya ay maaresto noong Setyembre 7.
Binasa mismo ni Miranda sa bukas na pagdinig ang bahagi ng commitment order na nagsasaad na ipinagkakatiwala sa BJMP ang kustodiya kay Romualdez, na nahaharap sa kasong plunder, alinsunod sa Resolution at Warrant of Arrest na kapwa may petsang Setyembre 7, 2026.
Mahigpit ding nakasaad sa kautusan na hindi maaaring ilipat, alisin sa kasalukuyang lugar, ilipat sa ibang pasilidad o palayain si Romualdez mula sa kustodiya nang walang kaukulang utos mula sa korte.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na batay sa pinakahuling medical certification mula sa Cardinal Santos Medical Center, nananatiling hindi medically fit to travel si Romualdez.
Ibig sabihin, sa kabila ng paglipat ng pangunahing kustodiya sa BJMP, mananatili muna siya sa ospital habang isinasagawa ang kinakailangang gamutan, alinsunod sa kanyang medical condition at mga susunod na direktiba ng korte.
Ipinamahagi rin sa mga mamamahayag ang kopya ng commitment order na may petsang Setyembre 10.
Samantala, nakatakda sa Setyembre 14 ang arraignment ni Romualdez sa kasong plunder.
