NASAKOTE ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) ang apat na biktima ng human trafficking na nagtatangkang magtrabaho ng ilegal sa beauty and spa sa Qatar.
Ang mga biktima, lahat ng lalaki, ay unang nagpakilala bilang magkakaibigan na pupunta sa bakasyon sa Singapore noong Agosto 21 ayon sa ulat ng mga opisyal ng I-PROBES ng immigration protection and border enforcement section.
Base sa pagsisiyasat ng mga immigration officers napansin ang mga hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag at inirekomenda silang sumailalim sa ikalawang inspeksyon.
Sa kanilang panayam, inamin ng mga biktima na sila ay narecruit ng isa sa kanilang kasamahan na nangakong bibigyan sila ng trabaho bilang mga hairdresser at massage therapist sa Qatar na may buwanang sahod na 15,000 hanggang 25,000 Pesos.
Ang kanilang kasamang lalaki ay nagsabi na siya rin ay narecruit ng isang recruiter mula sa Dubai at siya ay nagsama pa ng tatlong kaibigan na sumali sa scheme.
Humingi ng P10,000 ang mga recruiter kapalit ng pag-aasikaso ng kanilang trabaho at maging sa sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Ayon sa kanila, pinayuhan silang magpanggap na mga turista upang maiwasan ang pagtuklas, sa ilalim ng pretense ng bakasyon sa Singapore.
Nagbigay ng mahigpit na babala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga indibidwal na nagtatangkang iwasan ang immigration checks sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga turista.
Ang apat na biktima ay ipinasa sa inter-agency council against trafficking (IACAT) sa CIA para sa karagdagang imbestigasyon.
