NASAGIP na ang lima sa 21 Filipino seafarers sa ikalawang barko na inatake ng mga militanteng Houthi sa Red Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles ng gabi.
Ang ikalawang cargo vessel, ang Eternity ay lumubog sa Red Sea sa panahon ng pag-atake.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega na lumubog na ang barkong may flag ng Liberia, at nagpapatuloy ang rescue operations para sa mga natitirang tripulante.
Samantala, nakatanggap ang DFA ng mga ulat ng hindi bababa sa dalawang nasawi ngunit hindi kinumpirma ni de Vega ang kanilang nasyonalidad.
Ang barkong Eternity C ay may lulan na 22 tripulante—21 Filipino at isang Russian—nang hampasin umano ito ng mga drone at rocket-propelled grenade na inilunsad ng mga militanteng Houthi na suportado ng Iran sa baybayin ng Yemen.
Ilang oras bago ang pag-atake, sinalakay ng mga rebeldeng Houthi ang unang barko, ang MV Magic Seas, na may kabuuang 17 Filipino seafarer at dalawa pang dayuhan: isang Vietnamese chief engineer at isang Romanian Master.
Ang barko ay inatake sa paligid ng 51 nautical miles timog-kanluran ng Hodeidah, Yemen noong Hulyo 6.
Sinabi ni De Vega na ang mga Pilipinong tripulante ng kabilang barko ay pawang nasagip at patungo na sa Jeddah, Saudi Arabia.
