LIMANG drug suspect ang kinulong ng mga operatiba matapos ang drug raid noong Linggo sa Pio Hi-way, Bgy. Pio, Porac, Pampanga.
Ayon sa ulat ng pulisya ang mga naaresto na sina alyas “Vince,” 38; alyas “Vin,” 30; alyas “Mer,” 50; alyas “Lando,” 61; at alyas “Ver,” 30, pawang ng Bgy. Pio, Porac.
Ang mga tauhan ng Porac police, kasama ang 302nd Mobile Company Regional Mobile Force Battalion 3 ay nagpatupad ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Third Judicial Region ng Angeles City.
Sinabi ni Porac police chief Lt. Col. Samuel Quibete na nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa limang suspek at pagkakakumpiska ng hindi bababa sa 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000, ilang drug paraphernalia, isang cal. .9mm pistol na mayn apat na bala, isang .22 Uzi submachine gun na may pitong live na bala, dalawang cellphone, isang digital weighing scale at ang marked bill.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Porac police ang lahat ng suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.
