BUMABABA ang presyo ng mga produktong petrolyo sa unang linggo ng Marso.
Sa magkahiwalay na advisories, inihayag ng Shell, Caltex at Seaoil ang rollback na P0.90 kada litro para sa gasolina, P0.80 kada litro sa diesel, at P1.40 kada litro para sa kerosene.
Magpapatupad ng parehong pagsasaayos ang Petro Gazz, Cleanfuel, PTT Philippines at Jetti, maliban sa kerosene.
Magkakabisa ang bawas presyo ngayong Martes, Marso 4, 2025.
Sinabi ni Department of Energy (DOE) Assistant Director Rodela Romero na ang pagbaba ng presyo ay dahil, bukod sa iba pa, sa patakaran ng US sa oil drilling, na magdadagdag ng supply sa world market.
Sinabi ni Romero na idineklara din ng International Energy Agency na posibleng magkaroon ng oversupply ng langis sa mundo para sa 2025.
Sa year-to-date basis, tumaas ang presyo ng gasolina ng P3.85, diesel ng P3.65 at kerosene ng P1.50.
