NAUWI sa karumal-dumal na krimen ang umano’y pagtatalo ng mag-live-in partner matapos mapatay ang isang 50-anyos na babae sa Tanjay City, Negros Oriental.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, pauwi na ang biktima at ang kanyang live-in partner kasama ang kanilang dalawang anak matapos dumalo sa isang fiesta nang magkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa.
Selos ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng pag-aaway, ngunit patuloy pa ring inaalam ng mga imbestigador ang tunay na motibo sa insidente.
Sa gitna umano ng pagtatalo, sinuntok ng suspek ang biktima hanggang sa bumagsak ito. Kumuha naman umano ito ng itak at ilang ulit na tinaga sa ulo ang babae.
Agad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong matinding sugat.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek at hanggang ngayon ay tinutugis ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makumpleto ang mga detalye at matukoy ang pananagutan ng suspek sa insidente.
