KALABOSO ang isang 74-anyos na Amerikanong pugante matapos arestuhin ng Bureau of Immigration (BI) at mga katuwang na awtoridad sa isang operasyon sa Barangay Paradahan I, Tanza, Cavite nitong Martes, Agosto 19.
Kinilala ang suspek na si William Joseph Sullivan, na pinaghahanap sa Estados Unidos dahil sa paglabag umano sa mga kondisyon ng kanyang supervised release.
May kinakaharap din siyang kasong may kaugnayan sa Criminal Sexual Conduct sa Amerika.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon ng kanilang Fugitive Search Unit (FSU) katuwang ang US Department of State–Diplomatic Security Service Overseas Criminal Investigations (DSS-OCI) at PNP Criminal Investigation and Detection Group–Child Protection Force Unit (CIDG-CPFU).
Nabatid na humingi ng tulong sa BI ang mga awtoridad ng Amerika upang matunton si Sullivan matapos maglabas ng warrant ang Minnesota Department of Corrections noong Abril 2026.
Dumating umano sa Pilipinas si Sullivan nitong taon at nakapasok bilang temporary visitor.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi dapat gawing kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas, lalo na ang mga dayuhang inaakusahan o nahatulan sa mga krimeng may kinalaman sa seksuwal na pang-aabuso o pagsasamantala.
Bahagi rin umano ng operasyon ang #ShieldKids campaign ng BI na naglalayong protektahan ang mga bata at iba pang vulnerable individuals laban sa mga dayuhang sexual predator at iba pang kriminal.
Dinala na si Sullivan sa BI para sa booking at dokumentasyon at kasalukuyang nakapiit sa BI Warden’s Facility habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
