TIKLO ang isang 51-anyos na lalaki matapos umanong pagtatagain ng bolo ang kanyang 58-anyos na kapatid dahil sa pagtatalo sa lupang minana o pag-aari ng kanilang mga magulang sa Barangay 9 Poblacion, Quezon, noong Biyernes, Nobyembre 27.
Batay sa ulat ng Quezon Municipal Police Station (MPS), dakong alas-10:30 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pananaga.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at nagsagawa ng hot pursuit operation na humantong sa pagkakaaresto sa suspek.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nag-iinuman umano ang magkapatid kasama ang isang kapitbahay bago nagkaroon ng pagtatalo hinggil sa lupang pag-aari ng kanilang mga magulang.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, pumasok umano sa bahay ang nakababatang kapatid, kumuha ng bolo at tinaga ang biktima sa kaliwang bahagi ng katawan.
Dahil sa insidente, nagtamo ang 58-anyos na biktima ng malalim na sugat at agad na dinala sa Quezon Health Infirmary Hospital para sa agarang gamutan.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng Quezon MPS ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated murder.
