SA pagsisikap ng Kapulungan na maiahon ang kabuhayan ng sambayanang Pilipino, inaprubahan sa bulwagan na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ngayong Martes sa ikatlo at huling pagbasa, ang anim (6) pang prayoridad na panukala na kabilang sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na common legislative agenda ng administrasyong Marcos.
Nagkakaisang inaprubahan ng Kapulungan ang House Bill (HB) 8525, o ang panukalang “Tatak Pinoy Act,” na inaprubahan sa pabor na botong 251, na magbabalangkas ng Tatak Pinoy Strategy (TPS), upang pasiglahin ang lokal na kalakalan at ang kanilang ugnayan sa value chains.
Sa botong 251-0-1 naman, inaprubahan ang HB 9648, o ang panukalang “New Government Procurement Reform Act” sa ikatlo at huling pagbasa, na magpapawalang bisa ss Republic Act 9184, o ang “Government Procurement Reform Act.” Layon ng panukala na gawing mas malinaw ang government procurement, mapagkumpitensya, maayos, tuloy-tuloy at inklusibo.
Ang iba pang mga prayoridad na panukala na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ay: 1) HB 9662, o ang panukalang “Blue Economy Act,” sa botong 254-3; 2) HB 9663, o ang panukalang “National Water Resources Act,” sa botong 254-3; 3) HB 9673, o ang panukalang “Philippine Cooperative Code of 2023,” sa botong 254-3; at 4) HB 9674, o ang panukalang “Revised Government Auditing Act,” sa botong 258.
Bukod pa sa mga prayoridad na panukala ng LEDAC, inaprubahan din ng Kapulungan ang iba pang mahahalagang panukala: 1) HB 9682, o ang panukalang “Teaching Supplies Allowance Act;” 2) HB 9588, o ang panukalang “Graduation Legacy for Reforestation Act;” 3) HB 9587, o ang panukalang “Family Tree Planting Act;” 4) HB 9647, na magpapalit sa pangalan ng Motor Vehicle User’s Charge sa Motor Vehicle Road User’s Tax, at itaas ang halaga nito upang makakalap ng pondo para sa public utility vehicle modernization at road safety programs; 5) HB 9034, o ang panukalang “Philippine Archipelagic Sea Lanes Act;” 6) HB 9430, o ang panukalang “Union Formation Act;” at 7) HB 9506, o ang panukalang “Rental Housing Subsidy Program Act.” Pinangunahan nina Deputy Speakers Vincent Franco “Duke” Frasco at Antonio “Tonypet” Albano ang sesyon sa plenaryo ngayong Martes.