BATANGAS CITY — ISANG inspirasyong tunay na kahanga-hanga ang ipinamalas ni Mrs. Marlene Gomez Doneza, 63 taong gulang, mula sa Barangay Paharang East, Batangas City, matapos matagumpay na makumpleto ang kanyang 1,461-kilometer advocacy run mula Matnog, Sorsogon hanggang Pagudpud, Ilocos Norte.
Bilang pagkilala sa kanyang natatanging tagumpay at dedikasyon, ginawaran si Mrs. Doneza ng komendasyon ng pagkilala ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas sa regular session nito noong Oktubre 27, 2025, sa pamamagitan ni Konsehala Ailin Grace O. Dimacuha, Chairperson ng Committee on Senior Citizens and Persons with Disability.
Ang nasabing pagkilala ay alinsunod sa Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagbibigay-diin sa pagpapahalaga at pagkilala sa kakayahan at kontribusyon ng mga nakatatanda sa lipunan.
Ayon kay Mrs. Doneza, ang kanyang adbokasiya ay nakaugat sa paniniwalang health is wealth. Ibinahagi rin niya na matapos maisakatuparan ang kanyang tungkulin bilang magulang, mahalagang alagaan ng bawat isa ang sarili, at hikayatin ang kapwa senior citizen na bigyang pansin ang kalusugan upang manatiling malakas at hindi maging alalahanin ng pamilya.
Layunin din ni Mrs. Doneza na maging inspirasyon hindi lamang sa mga nakatatanda kundi maging sa kabataan, upang mapanatili ang malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng regular na ehersisyo at aktibong pamumuhay.
Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sumuporta at naniwala sa kanyang layunin, lalo na sa mga nagdasal at tumulong sa kanyang 1,461-kilometer run.
Ang kwento ni Mrs. Marlene Gomez Doneza ay patunay na edad ay hindi hadlang sa pagtupad ng mga pangarap at sa patuloy na paglilingkod at pagbibigay inspirasyon sa kapwa. Isa siyang modelo ng disiplina, tapang, at malasakit sa kalusugan — isang tunay na Batangueña na may puso at diwa ng kabayanihan.(
