SIYAM na UV Express ang sinita at inaresto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa umano’y sirang-sira, marumi at mabahong kondisyon ng kanilang mga unit, partikular sa mga rutang Bulacan-Metro Manila.
Isinagawa ang operasyon matapos mag-deploy ang LTFRB ng mga mystery rider noong Agosto 12 upang aktuwal na suriin ang serbisyo at kondisyon ng mga UV Express.
Pinangunahan ng LTFRB Law Enforcement Unit sa ilalim ni Atty. Sherwin D. Vizconde ang operasyon na nagresulta sa pagkahuli sa siyam na UV Express.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, hindi na dapat pinapayagang bumiyahe ang mga dilapidated, marumi at mabahong PUV dahil karapatan ng mga commuter ang ligtas at maayos na serbisyo.
Naglabas na rin ang LTFRB ng Show Cause Order (SCO) laban sa siyam na operator upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang prangkisa dahil sa kabiguang makapagbigay ng komportableng serbisyo sa publiko.
Kabilang sa mga reklamong nakumpirma ng mga tauhan ng LTFRB ang mahina o sirang air-conditioning, kupas na mga marka at hindi kanais-nais na amoy sa loob ng mga UV Express.
Bukod sa UV Express, target din ng LTFRB ang mga taxi, bus, jeepney at ride-hailing vehicles na nasa hindi maayos, marumi o mabahong kondisyon.
Samantala, personal ding nagsasagawa ng inspeksyon si Mendoza sa Metro Manila. Sa kanyang pinakahuling pag-iikot sa Intramuros, Manila, tatlong PUV ang inisyuhan din ng SCO.
Hinimok ng LTFRB ang mga commuter na i-report ang mga bulok, marumi at mabahong PUV, gayundin ang mga abusadong driver, sa LTFRB hotline 1342 o sa opisyal na social media accounts ng ahensya.
