BINAWI ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang driver’s license ng 98 public utility vehicle (PUV) drivers na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga noong Semana Santa.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Sinabi ni Vigor D. Mendoza II na ang 98 PUV drivers, kabilang ang mga bus driver, ay papatawan din ng perpetual disqualification sa pagkuha ng driver’s license.
“Ang desisyong ito ay alinsunod sa deklarasyon ng ating Kalihim Dizon tungkol sa pangangailangan natin sa gobyerno na labanan ang mga maling driver na ito para sa kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada,” ani Asec Mendoza.
“Ang pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho ay hindi karapatan, ito ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng kondisyon na ikaw ay kumilos at maging responsableng tsuper. Kung lalabag ka sa kondisyong ito, ang pribilehiyong ito ay babawiin katulad ng aming desisyon kaugnay ng 98 PUV drivers na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, sinabi ni Asec Mendoza na binawi rin ang lisensya ng driver ng bus sa SCTEX road accident na ikinamatay ng 10 katao, at idinagdag na bahagi ng parusa ang lifetime ban para makakuha ng driver’s license.
Ang pagtanggi ng bus driver na sumailalim sa drug test ang naging batayan ng desisyon.
Sa press briefing, sinabi ni Secretary Dizon na ito ang unang pagkakataon na naglabas ang LTO ng revocation order ng driver’s license sa malaking bilang ng mga public utility vehicle (PUV) drivers.
“Para sa mga driver lalo na sa PUV companies, if you do not think we are serious nagkakamali kayo. Revoke na yang mga lisensyang yan at pinapa-double check ko na sa LTFRB at sa LTO kung talagang hindi nagmamaneho ng mga yan,” sabi pa ni Dizon.
“Kapag yan pinagmaneho pa rin ng mga bus companies at mga PUV companies or owners, pati prangkisa ninyo ire-revoke namin,” .
Hinikayat ni Asec Mendoza ang mga motorista na kumilos bilang babala nito na magiging seryoso ang LTO sa paghabol sa mga “kamote” driver.
“Ang aming mga agresibong aksyon sa mga nakaraang linggo ay dapat magsilbing babala, bilang isang malakas na mensahe laban sa mga maling driver. Dapat silang kumilos sa lahat ng oras, kung hindi, hindi kami magdadalawang-isip na bawiin ang iyong pribilehiyo na magmaneho,” sabi niya.
