PORMAL na tinanggap ng mga samahan ng magsasaka sa walong bayan ng unang distrito ng Batangas ang interbensyong nagkakahalaga ng mahigit P46.1 M mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pangunguna ni Regional Executive Director Milo delos Reyes noong ika-30 ng Nobyembre sa Brgy. Bilaran, Nasugbu, Batangas.
Ang pamamahagi ay bilang suporta sa mga magsasaka para sa patuloy na pagpapalakas at pagpapaunlad ng produksyon sa mga bayan ng Nasugbu, Lian, Calatagan, Balayan, Tuy, Calaca, Lemery, at Taal. Kinabilangan ng mga binhing pananim, abono, makinarya at iba pang mga kagamitang pangsaka ang naibigay na mga interbensyon.
Pagpupugay at pasasalamat ang ipinaabot ni Director delos Reyes sa mga farmers association gayundin sa mga katuwang sa lokal na pamahalaan ng mga bayan. Ipinaabot din nya ang paalalang patuloy na pagtutulongan at pakikiisa para sa pagpapalakas pa ng industriya ng pagsasaka.
Ipinaabot naman nina Cong. Eric Buhain ng 1st-district ng Batangas at representante ni Nasugbu Mayor Antonio Jose Barcelon na si Executive Assistant Perlita Rufo ang pasasalamat sa DA-4A at pagbati sa mga benepisyaryong samahan. Nakiisa rin sa aktibidad sina Agricultural Programs Coordination Officer (APCO) ng Batangas, Elizabeth Gregorio, Rice Program focal, Maricris Ite, Regional Agriculture and Fisheries Information Section chief, Radel Llagas, at mga kawani ng DA-4A APCO-Batangas, rice program, at Field Operations Division.
