PATAY ang isang wanted na suspekA sa kasong pagpatay matapos makipagpalitan umano ng putok sa mga pulis na nagsisilbi ng warrant of arrest sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong madaling-araw ng Linggo.
Kinilala ang suspek sa alyas na “London,” na matagal nang pinaghahanap kaugnay ng isang murder case na isinampa noong 2014.
Ayon sa pulisya, matapos ipakilala ng operating team ang kanilang sarili at utusan ang suspek na sumuko nang maayos, bigla umano itong nagpaputok sa mga awtoridad.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis hanggang sa tamaan ang suspek.
Isinugod pa sa pagamutan si London ngunit idineklarang dead on arrival.
Nasugatan din sa insidente ang kanyang asawa na agad namang binigyan ng atensyong medikal at tulong ng mga pulis.
Samantala, arestado rin ang isa pang kasama ng suspek na alyas “Cobra” matapos umano itong makuhanan ng granada.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Maguindanao del Sur Provincial Mobile Force Company, Shariff Aguak Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit, katuwang ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinapakita ng insidente ang panganib na kinakaharap ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Gayunman, iginiit niya na dapat manatiling disiplinado at maingat ang bawat operasyon at palaging naaayon sa batas ang pagkilos ng mga awtoridad.
Iniutos din ni Nartatez sa mga kinauukulang unit na maayos na idokumento at repasuhin ang buong insidente, partikular ang pagkakasugat ng asawa ng suspek.
Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa mga wanted person at iba pang banta sa seguridad sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO).
Patuloy namang nangako ang PNP na paiigtingin ang paghahanap sa mga pugante habang tinitiyak na ang mga operasyon ay isinasagawa nang naaayon sa batas, propesyonal at may pananagutan.
