PINAIIGTING ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang paghahanda sa posibleng hagupit ng Super Bagyong “Obet” (international name: Saudel), kasunod ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyong Luis at Maymay at habagat.
Pinangunahan ni Gov. Jun Ebdane, kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kahandaan ng buong lalawigan.
Agad ding isinagawa ang preemptive evacuation sa mga residente sa coastal areas, mabababang lugar at mga komunidad na malapit sa ilog na posibleng tamaan ng baha at storm surge.
Pinag-iingat din ang mga nakatira sa bulubunduking lugar dahil sa panganib ng landslide at mudslide, lalo na’t basang-basa na ang lupa bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
Inihanda na rin ang mga evacuation center sa iba’t ibang bayan, gayundin ang relief goods, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga posibleng lumikas.
Naka-standby at pre-activated na rin ang mga rescue at emergency response team para sa agarang pagresponde sakaling lumala ang sitwasyon.
Ayon kay Ebdane, pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang kaligtasan ng mga Zambaleño.
Inatasan din niya ang mga municipal government na tiyaking may sapat na tulong para sa mga residenteng maaapektuhan, lalo na ang mga nasa high-risk communities.
Nasa state of calamity ang buong Zambales dahil sa pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Patuloy naman ang pagbabantay sa mga ilog at mabababang lugar matapos makaranas ng malawakang pagbaha ang ilang bayan dahil sa matinding pag-ulan.
