PINA-IIMBESTIGAHAN ng Land Transportation Office (LTO isa nanamang kaso ng road rage sa kalsada ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ang video ng insidente ay nag-viral sa social media at ipinahayag ni Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pasasalamat sa netizen na nag-upload ng video at sa mga saksi na nagbigay ng conduction sticker ng Toyota Fortuner.
“Agad kong ipinaabot sa Regional Director ng LTO-Region III na tingnan ang insidenteng ito at agad maglabas ng Show Cause Order sa rehistradong may-ari ng sasakyang ito,” sabi ni Assec Mendoza.
“Malinaw sa video na hindi katanggap-tanggap ang inasal ng driver kung saan matapos banggain ay tinakbuhan pa ang kanyang responsibilidad,” dagdag niya.
Batay sa viral na video at isa pang Facebook post, ang driver ng Hyundai Eon ay isang lalaking senior citizen at nakita sa video na matapos banggain ang kotse, bumalik ang driver ng Toyota Fortuner, maniobrang malapit sa kotse na kanyang binangga bago mabilis na umalis.
Hindi agad malinaw kung ano ang nangyari at sinabi ni Assec Mendoza na ito ang magiging paksa ng imbestigasyon na kanyang iniutos.
Sinabi ni Assec Mendoza na inaasahan din niya na ang itim na Toyota Fortuner, na may conduction sticker na Z7N788, ay ipa- alarma.
“Dahil sa impormasyon na ibinigay ng mga saksi, magagawa nating agad na magpataw ng aksyon laban sa rehistradong may-ari at sa driver ng sasakyang ito,” sabi ni Assec Mendoza.
Inutusan din ni Assec Mendoza ang LTO-Region 3 na makipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima bilang bahagi ng pagpapatupad ng imbestigasyon.
