DALAWANG umano’y carnappers ang naaresto nang rumesponde ng mabilis ang mga awtoridad noong Sabado at narekober ang kotseng puwersahang kinuha sa may-ari nito sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga.
Sinabi ni Pampanga police director Col. Jay Dimaandal na inaresto sina alyas “Reden,” 34, ng Bgy. Balingasay; at alyas “Ryan,” 44, ng Bgy. Arnedo Tinomorong, kapwa taga Bolinao, Pangasinan.
Sinabi ng biktimang si “Migs,” 21, ng San Fernando City sa pulisya na tinutukan siya ng baril ng mga suspek at puwersahang kinuha ang kanyang itim na Toyota Land Cruiser.
Ang sasakyan ay nakarehistro sa isang Zubiri ng Makati City.
Tinangka ng biktima na pigilan ang mga suspek sa pamamagitan ng pag-abot sa bintana ng driver’s side ngunit kinaladkad ito habang mabilis na tumakas ang mga suspek.
Nagtamo si “Migs” ng sugat sa kaliwang braso.
Agad namang nag-alerto ang isang motorcycle rider na nakasaksi sa insidente sa mga kalapit na pulis na nakatalaga sa Lazatin Boulevard.
Ang mga opisyal, sa tulong ng mga tauhan ng SWAT na nagkataong nasa lugar, kaya naman mabilis na tinugis ang mga carnapper at naharang ang ninakaw na sasakyan habang nasa matinding trapik.
Inutusan ang mga suspek na sumuko at dinala sa kustodiya ng pulisya.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang sling bag na naglalaman ng cal. .45 na baril at isang magazine na may siyam na bala.
Kakasuhan ang dalawang suspek ng carnapping, grave threats, serious physical injury, at paglabag sa Omnibus Election Code, ayon kay Dimaandal.
