NABUWAG ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Nueva Ecija Provincial Office ang isang ginawang drug den sa Bgy. Bakod Bayan, lungsod na ito.
Arestado sa operasyon ang tatlong suspek na kinilalang sina alyas “Mar,” 52; alyas “Raf,” 45; at alyas “Joe,” 62, pawang residente ng Bgy. Bakod Bayan, ayon sa PDEA Nueva Ecija.
Nasamsam sa operasyon ang siyam na plastic sachet na naglalaman ng hindi bababa sa 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000, samu’t saring drug parahernalia, at buy-bust money.
Magkatuwang sa entrapment operation ang PDEA Regional Office 3 Special Enforcement Team (RSET) at ang PNP SAC 21st Company 2nd Special Action Battalion.
Nakakulong ngayon ang mga naarestong suspek sa PDEA RO3 jail facility sa Pampanga na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
