DALAWANG umano’y illegal recruiter ang kalaboso matapos umanong mangolekta ng processing fee at mga dokumento sa mga aplikanteng pinangakuan ng trabaho sa Ireland at Netherlands sa Santiago City, Isabela.
Arestado ang isang lalaki at babae sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela Provincial Field Unit katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) Region 2 sa Barangay Rizal bandang alas-10 ng umaga noong Agosto 28.
Nahuli umano ang dalawa habang tumatanggap ng mga dokumento at naniningil ng processing fee mula sa mga aplikanteng nais umanong magtrabaho sa ibang bansa, kahit wala silang lisensya o awtorisasyon mula sa DMW para mag-recruit at mag-deploy ng overseas workers.
Ayon sa ulat, ipinapangako umano ng mga suspek ang mga trabaho bilang caregiver, nurse, medical worker, dairy farmer at apple picker sa Ireland at Netherlands.
Umaabot umano sa €3,200 o higit ₱200,000 kada buwan ang ipinapangakong sahod, kapalit ng ₱75,000 processing fee mula sa bawat aplikante.
Isinasailalim na sa kaukulang proseso ang dalawang suspek para sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8042, o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, na inamyendahan ng RA 10022.
Binigyang-diin ng CIDG na mahalagang protektahan ang mga Pilipinong naghahanapbuhay sa loob at labas ng bansa laban sa mga mapagsamantalang illegal recruiter.
Patuloy rin ang koordinasyon ng CIDG at DMW upang matukoy at mapuksa ang mga ilegal na recruitment at pekeng job-offer scheme, kabilang ang mga isinasagawa online.
Pinayuhan naman ang mga nagnanais magtrabaho abroad na beripikahin muna ang job offer at lisensya ng recruitment agency sa opisyal na website ng DMW bago maglabas ng pera o magsumite ng mahahalagang dokumento.
