SINALUBONG ng mga ahensya ng pamahalaan, kasama si #83 OFW Party List Rep. Marissa Del Mar Magsino, ang 176 na Pilipinong biktima ng human trafficking na dumating sa bansa mula Myawaddy, Myanmar, ngayong Miyerkules (Marso 26).
Dumating ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang 5:40 ng umaga lulan ng isang espesyal na flight ng Philippine Airlines mula Bangkok, Thailand.
Ayon sa Department of Foreign Affairs – Office for Migration Affairs (DFA-OMA), karamihan sa kanila ay na-recruit sa iligal na trabaho sa Myanmar at dumanas ng pang-aabuso.
“Bilang chairperson ng Anti-Trafficking OFW Movement at isang Observer sa IACAT, batid kong talagang nakakapanlumo ang mga pinagdadaanan ng mga human trafficking victims. Napakahalaga na matulungan sila hindi lamang sa agarang repatriation kundi pati na rin sa pagbabalik sa normal na buhay,” ayon kay Magsino.
Pinangunahan ng Inter-agency Council Against Trafficking (IACAT), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Bureau of Immigration (BI) ang mabilis na proseso sa airport upang mapadali ang pag-asikaso sa mga biktima.
“Nagpapasalamat tayo sa mga ahensya ng pamahalaan sa pagtiyak ng kanilang kaligtasan at pagtulong na sila’y muling makapagsimula,” saad ni Magsino.
Matapos salubungin ng mga ahensya at ng #83 OFW Party List, agad na dinala ang mga biktima sa temporary lodging kung saan sila bibigyan ng psychosocial support, legal assistance, at iba pang kinakailangang tulong hanggang makauwi sa kani-kanilang mga lugar.
“Hindi natatapos ang ating trabaho sa kanilang pag-uwi. Kailangan natin ng mas mahigpit na aksyon laban sa human trafficking upang hindi na ito maulit,” ani pa ni Magsino, na nangakong ipagpapatuloy ng #83 OFW Party List ang pagsusulong ng mas matitibay na batas at proteksyon para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Patuloy na nananawagan ang gobyerno at ang #83 OFW Party List sa mga Pilipino na maging mapanuri sa mga overseas job offers at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang recruitment activity.
