NATAGPUANG patay ang isang 68-anyos na doctor na tadtad ng saksak sa loob ng kanyang sasakyan sa Quezon City, base sa ulat ng pulisya nitong Miyerkules.
Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ng isang dumaan ang doctor na duguan at wala nang buhay sa loob ng nakaparadang sports utility vehicle sa Mindanao Avenue sa Bgy. Pasong Putik Proper noong Sabado.
Ang doctor ng residente ng Bgy. Santa Monica, Novaliches, Quezon City ay huling nakitang buhay sa Neopolitan Business Park noong Biyernes, batay sa dashcam footage ng sasakyan.
Sa isang video footage mula sa dashcam ay nakita ng isang lalaki na sinira ang bintana ng sasakyan ng doktor at sinaksak ng paulit-ulit ang biktima.
Narekober sa sasakyan ang isang pares ng iris scissors na may mga mantsa ng dugo, na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nakitang nawawala ang mga personal na gamit ng biktima.
Ang suspek na di pinangalanan ay naaresto ng pulisya sa isang follow-up operation.
