INARESTO ng Land Transportation Office (LTO) at mga operatiba ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) ang isang 42-anyos na lalaki na inakusahan ng pangingikil kapalit ng pagpapalaya sa mga pampasaherong bus na colorum na naka-impound .
Ang suspek na si Jeffrey Morong Mendoza, ng San Mateo, Rizal, ay sinasabing siya ang LTO Chief na nakikipag-usap sa mga may-ari ng mga impounded na bus.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na nalaman niya ang insidente matapos sabihin sa kanya ng ilang operator ng bus na may nagpapanggap sa kanya para mangolekta ng tig-P250,000 para sa pagpapalaya ng naka-impound na pampasaherong bus.
“Sa sandaling nalaman ko ang tungkol dito, agad kong inatasan ang aming Intelligence and Investigation Division chief, Renante Melitante, na magsagawa ng imbestigasyon upang makilala at maaresto ang impostor na ito,” ani Asec Mendoza.
Batay sa salaysay ng mga biktima, nakipag-ugnayan sa kanila ang suspek at sinabihang P250,000 lamang ang kailangan nilang bayaran sa bawat impound na pampasaherong bus na may mga colorum na paglabag. P1 milyon ang parusa sa colorum.
Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa colorum, naglabas ng memorandum noong nakaraang taon si Asec Mendoza na tanging utos ng korte lamang ang maaaring magpalabas ng anumang na-impound na motor vehicle na may mga paglabag sa colorum.
Sa tulong ng isa sa mga biktima, nakipagtransaksiyon ang mga ahente ng LTO at mga operatiba ng PNP-ACG sa suspek dakong ala-1:45 ng hapon. noong Sabado, Abril 26, sa Cubao Terminal Complex, Times Square Avenue sa Quezon City.
Nadakip ang suspek nang matanggap ang boodle money na may markang P1,000 bill.
Nakuha sa kanya ang marked money, boodle money, driver’s license, at dalawang cellular phone.
Inihahanda na ngayon ng mga imbestigador ng LTO at PNP-ACG ang mga kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority) at Article 315 (Swindling/Estafa) ng Revised Penal Code na lahat ay may kinalaman sa Section 6 ng R.A. 10175 na kilala rin bilang “Cybercrime Prevention Act of 2012” at Section 4 (b) (3) (Computer-Related Identity Theft) ng R.A. 10175 na kilala rin bilang “Cybercrime Prevention Act of 2012.”
